*Note this story is in Tagalog
Isang gabi, sa may puno ng anislag, sinimulan ng mga alitaptap ang gabi-gabi nilang ritwal. Sa kanilang pagkakaalala, iniilawan nila ang langit ng mga sayaw na papantay sa mga pinakamagagandang konstelasyon. At sino pa bang mamumuno sa kanila kundi ang kanilang hari? Sasayaw ang rehente ng mga alitaptap kasama ng kanyang mga pinamumunuan upang makabuo ng isang makapigil-hiningang pagpapakita ng kaningningan.
Habang naghahanda ang hari para sa sayaw, napansin niyang ang isa sa mga alitaptap ay hindi pa nakailaw. “Batang alitaptap,” ang sabi niya, “Bakit hindi ka pa nakailaw gaya ng iyong mga kapatid?”
“Panginoon ko, hindi ko po naiintindihan kung bakit natin ginagawa ito. Hindi ba’t matutunton tayo ng ating mga kalaban kapag pinakita natin ang ating mga liwanag? Nagbabala ang mga kuliglig na gagawin tayong malinamnam na meryenda ng mga palaka, gagamba, at mga ibon kapag pinakita natin ang ating mga sarili.”
“Bakit tayo magtatago kung ang ating mga ilaw ang pinakamagandang parte ng gabi? Dapat tayong magbigay ng liwanag sa madidilim na lugar. Bawat isa sa atin ay may kasiglahang hindi maitatanggi. Nararamdaman mo rin ito, hindi ba?”
“Nararamdaman ang alin, panginoon ko?”
“Ang pag-aasam na ilawan ang langit. Nasa puso iyon ng lahat ng mga alitaptap. Makikita tayo ng ating mga kalaban, iyan ay totoo, titingnan nila ang ating mga liwanag at hahangaring pagdilimin ang mga ito, pero iyon ay maliit na kabayaran upang mapakanta ang ating mga kaluluwa palabas ng kadiliman.”
Hindi pa rin maintindihan ng batang alitaptap ang nais sabihin ng hari, takot na takot siyang mamatay. Hindi niya matanggap sa kanyang puso ang mga salita ng kanyang hari at pinagdilim niya ang kanyang ilaw.
Noong gabing iyon, nagsayaw ang mga alitaptap ngunit may maliliit na aninong makikita mula sa malayo. Mukhang nakakahawa ang takot na nadama ng batang alitaptap. Maririnig ang bulong-bulungan mula sa mga alitaptap na pipiliin ang kaligtasan ng dilim kaysa ang pakikipagsapalaran sa liwanag.
Nagpatawag ng pagpupulong ang hari ng mga alitaptap para pag-usapan ang sitwasyon.
“Ang sinasabi lang po namin ay dapat maging maingat tayo sa gabi,” sabi ng batang alitaptap. “Ayaw po naming maging susunod na kakainin ng gagamba.”
“Bakit mo ginagawa ito, batang alitaptap?” tanong ng hari.
“Natatakot ako, panginoon. Ayokong makuha sa akin ang aking liwanag magpakailanman.”
“Pero hindi ba’t iyan ang ginagawa mo sa iyong sarili?”
“Pwede pa rin tayong magliwanag, pero sa mga ligtas na lugar lamang. Iyon dapat ang maging bago nating kautusan!” Ang buong-pagmamalaking sabi ng batang alitaptap.
“Alitaptap, kailangan nating magliwanag sa kadiliman, dahil ginawa tayo para roon. Bakit mo kailangang maghanap ng mga tanda para magliwanag, kung tayo naman ang mga bituin na kailangang maghanay?”
“Hindi ko pa rin naiintindihan, panginoon.”
At sa oras na iyon, napagtanto ng hari ng mga alitaptap ang kailangan niyang gawin.
Nagliwanag siya nang mas maliwanag pa sa buwan, at umali-aligid sa labas ng puno ng anislag. Sumigaw ang batang alitaptap, “Panginoon! Makikita nila kayo. Pakiusap, huwag kayong magliwanag pa!”
Ngunit walang saysay iyon, ang liwanag ng hari ay umabot sa kagiliran at sa paligid, ang mga paniki, gagamba, at maging ang mga panggabing ibon ay lumipad patungo sa nagniningning na liwanag.
Hindi mapaniwalaan ng batang alitaptap ang sunod na nangyari. Sa buong paligid, nagsayaw ang iba pang mga alitaptap kasama ang kanilang hari at nakabuo sila ng isang bagyo ng kaliwanagan. Nakatayo lang ang mga kalaban, nabighani sa tanawin at isa-isang sumali sa sayaw.
Ikinampay ng mga ibon at paniki ang kanilang mga pakpak, gumalaw ang mga palaka sa ritmo, at ang mga gagamba ay umikot samantalang binibigyang-liwanag ng mga alitaptap ang kadiliman.
At sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, sa wakas ay naintindihan na ng batang alitaptap.
Kapag ipinadala mo ang iyong dagitab, magiging parte ka ng isang mas dakilang layunin.
Hindi na siya naghintay pa ng sagot.
Nagliwanag siya.
At sumigaw ang kanyang kaluluwa sa mga anino, “Hindi ko hahayaang makuha ninyo ito sa akin!”
Maaalala magpakailanman ng kagubatan at ng lahat ng nilalang na tumuturing sa kagubatan na tahanan ang kwento ng batang alitaptap na takot sa kanyang sariling liwanag. Maging ang mga kalaban ay magbabalik-tanaw sa kalawakan ng liwanag sa harap ng puno ng anislag, habang nasasaisip na mayroong apoy sa loob nila na hindi nila maitatanggi.
Ngayon at magpakailanman.
*Tagalog is an Austronesian language spoken as a first language by a quarter of the population of the Philippines and as a second language by the majority. Its standardized form, officially named Filipino, is the national language of the Philippines, and is one of two official languages alongside English.