
*Note this story is in Tagalog
Noon unang panahon, ang isla ng Negros ay pinamumunuan ng isang mapayapa’t mabuting haring nagngangalang Laon.
Isang araw, bumuhos ang napakalakas na ulan. Umapaw ang mga ilog, at di kalauna’y bumaha nang abot-leeg. Lumapit ang mga tao sa kanilang hari upang humingi ng tulong.
Nagpatawag ng pagpupulong si Haring Laon. Iminungkahi niyang gumawa sila ng bundok ng lupa na di matitinag o malulubog ng anumang baha. Sumigaw ang mga tao, “Wala tayong kagamitan!” Iwinagayway ng hari ang kanyang panyo. Mula sa kawalan ay lumitaw ang pala at asarol. Hindi pa rin nakontento ang mga tao. “Paano tayo gagawa ng bundok nang walang mga bato?” Pumadyak si Haring Laon at muli ay lumitaw ang mga bato.
Nagtulung-tulong ang mga tao upang makabuo ng bundok na umabot nang anim na libong talampakan ang taas. Doon sila nanatili hanggang sa humupa ang baha.
Tila mapaya ang lahat hanggang sa isang umaga nang magising ang hari sa isang kaguluhan. Isang higanteng ahas na may pitong ulo ang papalapit sa bayan. Takot na takot ang mga tao sa pulang mga mata at umuusok nitong ilong. Sa gabi, bumubuga ng apoy ay ahas na siyang pumapatay sa mga tanim at hayop sa bayan.
Nauubos na ang pag-asa ng mga tao hanggang sa isang araw ay dumating ang isang binatang nagngangalang Kan. Sinabi niya kay Haring Laon na papatayin niya ang ahas. Tuwang tuwa naman ang hari sa pangakong ito ni Kan.
Sinabi ni Haring Laon na bibigyan niya ng pabuyang kayamanan si Kan kung matatalo niya ang ahas. Ipinangako din ni Haring Laon ang kamay ng kanyang anak na dalaga upang ipakasal kay Kan.
Si Kan ay hindi ordinaryong tao. Alam niya ang wika ng mga hayop at ibon. Nang dumating ang araw ng sagupaan, dumulog si Kan sa mga ito upang tulungan siya. Kinagat ng mga hayop ang katawan ng ahas at tinuka naman ng mga ibon ang mga mata nito. Nang nalingat ang ahas ay pinutol ni Kan ang pitong ulo nito.
Inihandog ni Kan ang pitong ulo ng ahas kay Haring Laon. Ayon sa kanyang pangako, pinaulanan ng kayamanan si Kan at ipinakasal sa kanya ang anak na dalaga ng hari.
Noong mamatay si Haring Laon, pinalitan siya ni Kan bilang hari ng bayan. Ang bundok na ipinatayo ni Haring Laon ay nananatili pa rin, at tinawag itong Kanlaon bilang pag-alala sa kabayanihan ng binata at kabutihan ng hari.
“At dito natin tatapusin ang kwento.”
Isinara ni Lola Anding ang libro at pinanood ang kanyang mga apo hanggang sa makatulog sila. Ang paborito niyang si Rhai ay laging nagtatanong. Sa yari niya ay magiging iskolar ito balang araw. Umasa si Lola Anding na abutan niya pa ang araw na iyon.
Nagnilay-nilay siya sa istoryang ikinuwento niya sa mga bata. Ang alamat ng Bundok Kanlaon ay isang nakahahangang kwento! Isang binatang nakikipaglaban sa mga higanteng ahas, isang haring may taglay na mahika, ang kanyang bayan na kayang magtayo ng bundok, mga hayop at ibon na tumutulong sa pagpuksa ng kalaban—lahat nang ito’y nagbigay ng kinang sa mga mata ng kanyang mga apo.
Inisip niya kung anong aral ang napulot ng bawat bata sa kwento. Si Rhai, siyempre, ay ginambala ang kanyang pagbabasa upang magtanong. “Bakit may kakaibang kapangyarihan ang hari? Bakit kaya ni Kan ang makipag-usap sa mga hayop? Gaano katagal binuo ng mga tao ang bundok?”
Ang kanyang katalinuhan ay maliwanag sa kanyang mga tanong. Inisip ni Lola Anding kung mapupunan ba ni Rhai ng kanyang imahinasyon ang sarili niyang mga tanong.
Si Faye naman ay natakot sa kwento. Yakap-yakap niya ang kanyang laruang buwaya habang inaarte ni Lola Anding ang pagpatay ni Kan sa ahas. Kaawa-awang bata. Gusto niya lang namang maging magkaibigan ang lahat. “Kung kayang makipag-usap ni Kan sa mga hayop, bakit hindi na lamang niya kinausap ang ahas upang paalisin ito?” tanong ni Faye.
Sinagot naman siya ni Fernando, “Ang ahas ay masama at dapat lamang siyang turuan ng leksyon!” Iwinasiwas ni Fernando ang kanyang laruang espada at napabuntong-hininga na lamang si Lola Anding. Isang araw ay makakasakit ang batang ito at ang laruan niya. Ang simpleng pag-iisip ni Fernando ay isang hiwaga. Inisip ni Lola Anding kung gaano katagal makikita ni Fernando ang mundo mula sa inosente niyang mga mata. Napailing na lamang si Lola Anding, “Marapat lamang sa mga bata ang kanilang kamusmusan,” bulong niya sa kanyang sarili.
Kinumutan niya ang mga bata at isa-isang hinalikan sa noo. Sa kanilang mga panaginip ay haharapin nila ang kani-kanilang bersyon ng ahas—o sa kaso ni Faye ay makipagkaibigan sa kanila.
Ngumiti si Lola Anding. Naalala niya ang unang beses na narinig niya ang alamat mula sa kanyang lolo. Noong mga panahong iyon ay walang ibang pagkakaabalahan kaya’t sabik na sabik siya sa mga kwentong ito.
At ano naman ang nakuha niya mula sa mga ito?
“Sa buhay ay marami kang haharaping mga ahas, at matatalo mo sila sa pamamagitan ng iyong sariling kakayahan. Gamitin mo ang anumang tinataglay mo sa pagharap sa pagsubok at ika’y gagantimpalaan sa huli.”
Pinanghawakan ni Lola Anding ang aral na ito at hindi kailanman kinalimutan kung ano ang kanyang ipinaglalaban.
At sulit nga ba ito?
Muli niyang tiningnan ang natutulog niyang mga apo at siya’y tumango.
“Oo naman,” bulong niya sa kanyang sarili.
=———————————–=
*Tagalog is an Austronesian language spoken as a first language by a quarter of the population of the Philippines and as a second language by the majority. Its standardized form, officially named Filipino, is the national language of the Philippines, and is one of two official languages alongside English.
Translation by Dana Garcia
Translation Copyright © Dana Garcia
Adapted from The Legend of Mt. Canlaon in Negros Oriental and Siquijor Island Legends, Beliefs and Folkways. Aldecoa-Rodriguez. 2000.
Kan’s Serpent Illustration by Paul Medalla
FB: Apolonio Draws
IG: instagram.com/apolonio.draws/
artstation: artstation.com/zerobreed
