*Note this story is in Tagalog
“Mahirap maging isang komadrona,” sabi ni Carina sa kaniyang sarili. Kikitain na niya ang kaniyang pang-apat na pasyente sa linggong ito. Ang pasyente ay 19 na taong gulang at naghahanda para isilang ang kaniyang unang anak. Pinapakalma at pinapagaan ni Carina ang nararamdaman ng kaniyang pasyente. Palaging mahirap magpaanak ng isang babaeng nagdadala ng kaniyang unang supling, dahil nababalot ng takot ang kanilang isipan, pero alam ni Carina ang kailangan niyang gawin. Mahigit isang dekada na siyang komadrona at alam niya ang kaniyang sasabihin mula sa kaniyang karanasan, “Magiging maayos ang lahat, nandito lang ako.”
Kumuha siya ng maaligamgam na tuwalya at nilagay ito sa likuran ng kaniyang pasyente. Sabi ni Carina, “Mapapagaan nito ang iyong nararamdaman habang hinihintay nating isilang mo ang iyong anak.” Sinisigurado ni Carina ang kalagayan ng babae. “Itutulak ko na ba?” Kumalma na ang babae at ngumiti si Carina. Biglang nagsalita ang babae, “Huwag muna, kailangan muna nating maghintay. Bakit hindi mo inabisuhan ang asawa ko?”
Nakakatulong ang pakikipag-usap sa mga nanay at si Carina ay masugid sa pakikinig. Lumipat ang dalaga at ang kaniyang asawa rito at tutol ang kanilang mga magulang sa kanilang pagpapakasal. Ilang buwan nang naghahanap ng hanapbuhay ang kaniyang asawa at pumunta sa lungsod para malaman kung mayroon nakalaan sa kaniya roon. Inaasahan siyang bumalik dito sa susunod na linggo at dismayado ang babae dahil hindi makikita ng kaniyang asawa na isilang niya ang kanilang anak. “Hay, maasahan mo talaga ang mga asawa,” Tumawa si Carina. Tumawa ang kaniyang pasyente at nagsitawanan din ang mga babae roon, hanggang sa natalo ng katatawa ang kanilang takot.
Alam ni Carina na magiging mahirap ang pagdadalang-tao ng kaniyang pasyente at aabutin ng ilang oras bago masimulan ang mismong panganganak. “Mabuti na naihanda ko na ang lahat,” wika niya sa sarili.
Mayroong mamasa-masa na nahulog sa balikat ni Carina at siya ay nabigla. Mayroong babaeng ngumiti sa kaniya. Hindi dapat magpakita ng kahit anong takot si Carina, dahil wala nang mas ikatatakot bukod sa panganganak.
Naiinis si Carina sa kaniyang sarili dahil nakalimutan niya ang suha. May posibilidad na naiwanan niya ito sa traysikel nang papunta siya kaniyang pasyente. “Wala nang dahilan para mag-alala,” sabi niya sa sarili. Mayroon pa rin siyang matulis na kawayan sa kaniyang sisidlan. Mabuti nang handa.
“Sige, mayroon tayong gagawin, puwede mo munang ipikit ang iyong mga mata? At huwag mong bubuksan hanggang hindi ko sinasabi.” Mas matapang na ang boses ni Carina, pero bihasa na siya sa ganiyang pangyayari. “May problema ba?” sabi ng kaniyang pasyente na may halong takot.
“Wala, walang problema, mayroon lang akong kailangang patayin na peste.” Sinara ni Carina ang mga mata ng kaniyang pasyente at mabuti na lang nakatingin lang siya kay Carina buong gabi. “Ngayon, kuwentuhan mo na lang ako tungkol sa asawa mo. Mahaba-haba pa ang gabi natin.
=———————————————-
**Suha is Pomelo fruit
*Tagalog is an Austronesian language spoken as a first language by a quarter of the population of the Philippines and as a second language by the majority. Its standardized form, officially named Filipino, is the national language of the Philippines, and is one of two official languages alongside English.
Written by Karl Gaverza
Translation by Emman Bernardino
Copyright © Karl Gaverza
Translation Copyright © Emman Bernardino
Inspired by the Wak-wak entry in Creatures of Philippine Lower Mythology. Ramos. 1971.
Wak-wak (Surigao) Illustration and Watercolor by Nightmaresyrup
IG: @nightmaresyrup
Tumblr: http://